"Paano Makatitipid sa Medikal na Gastusin"
MARAMING tao ang natataranta kapag sakit na ang pinag-usapan. Hindi na nila alam kung ano ang gagawin. At dahil dito, madalas ay nagagastusan sila nang malaki para lang gumaling. Paano ba natin matitipid ang inyong budget?
1. Alamin ang sakit – Una sa lahat, dapat malinaw ang diagnosis o sakit ng pasyente. May sakit ba siya sa puso, sa atay o sa bato? Ano ang tawag sa sakit niya? Isulat ito sa papel para hindi makalimutan. Kung hindi pa alam ng doktor kung ano ang sakit, itanong ang hinihinalang sakit o “working diagnosis.” Puwede na rin iyan.
2. Alamin ang gamutan – Kailangan ba ng pasyente ang operasyon, laboratory test o gamot lamang? Ilinaw maigi sa doktor. Ano ang maiging paraan ng gamutan? Tandaang maigi ang pangalan ng gamot. Ilista ito sa isang papel. Ano ang dosis at ilang beses iniinom bawat araw? Mahalaga po ito para maintindihan ng doktor at ibang tao ang kalagayan n’yo.
3. Magtanong kung may matipid na gamutan — Huwag mahiyang magtanong sa doktor kung may mas murang gamot. Puwede bang generic na lang? Magsabi ng tapat na kulang ang budget. Hindi naman ito kasalanan, ‘di ba?
Kung hindi kayo kuntento sa paliwanag ng inyong doktor ay humanap ng second opinion. Magtanong sa ibang doktor. Pumunta sa mga government hospitals kung saan mas alam nila ang mga murang alternatibo.
Hindi ko pinapayo na pumunta sa albularyo o herbal na gamutan. Subukan muna sa tunay na doktor at tunay na gamutan bago magbakasali sa iba.
4. I-xerox ang lahat ng inyong records — Huwag iwawala ang mga resulta ng inyong lab tests. Kapag nawala ito, parang tinapon n’yo na rin ang pera ninyo. Huwag itong iasa sa laboratory center o sa doktor. Ikaw ang pasyente at kaila ngang hawak mo ang buhay mo. Hiramin ang resulta ng test at i-xerox ito. Ilagay sa isang folder at laging dalhin sa inyong pagpapa- check-up.
5. Maging masipag sa follow-up — Maraming pasyente ang tamad magpa-check-up. Kasi raw, mabuti naman ang pakiramdam nila. Marami rin ang inihihinto ng kanilang gamot dahil naubos na raw ang reseta.
Alam n’yo ba na karamihan ng sakit ay kailangan ng maintenance na gamot? Ang mga sakit sa puso, altapresyon, diabetes at sakit sa utak ay kailangan nang matagalang gamutan. Walang short-cut sa lunas. Kailangan ang matagalang pagmamasid at pag-iingat sa sarili.
Sa katunayan, mas makatitipid kayo kung madalas kayong magpapa-check-up. Kung kulang sa budget, pumila na lang sa government hospitals at health centers.
Comments
Post a Comment